Simple lang naman ang kwento ng ALPAS.
Nagsimula sa biruan, sa “what if,” sa “baka pwede,” hanggang sa umabot na sa seryosong usapan tungkol sa mga pangarap namin, habang sumasagitsit ang init sa Cavite noong 2019.
Hindi din naman naging madali ang lahat. Dahil ang background ko ay crisis communications, hindi ko mabilang kung ilang scenarios ang naimagine ko bago ko nasabing, “oo, handa na ako.” Wala na akong takot. Nananalig na ako.
Kinailangan ko munang maka-ALPAS sa sarili kong mga alinlangan at takot bago tuluyang pumalaot ang ALPAS.
Baon-baon namin ang pangarap at tiwala sa isa’t isa, sinamahan pa ng tigas ng ulo at paniniwala na we can do things better—sa wakas, nabuo ang ALPAS maski sa gitna ng mapanghamong pandemya. Kinaya namin at kakayanin pa.
Masasabi ko ngayon na nagsimula ang ALPAS sa paniniwala at pagtitiyaga. Sometimes, taking a leap of faith and trusting in the universe rewards you. Noong naniwala ako at nanalig, parang naging madali na ang lahat para sa ALPAS. In God’s own perfect time, ika nga.
So, ano nga ba ang kwento ng ALPAS?
Ang ALPAS ay kwento ng kabiguan. Nagsimula ang lahat sa pagkatalo at sa pagkabigo. Siguro ang lungkot ng pagkatalo ang naging dagitab para mabuo ang ALPAS. Sabi nga nila, “loss is a great motivator because it fuels your desire to be better so you can do better.”
Ang ALPAS ay kwento ng pagmamahal sa bayan. Umpisa pa lang, isa na ito sa core values ng ALPAS: ang masidhing pagmamahal sa bayan. Ito ay ang pagtaya namin sa sariling bayan dahil sa paniniwala na may maaari pang magbago. Ito ay aming pagkilos—ang aming ambag sa Pilipinas. Ang ALPAS ay proudly-Filipino at itataas namin ang ating bandila saan man kami mapunta.
Ang ALPAS ay kwento ng pasasalamat. Lagi naming biruan na ang ALPAS ay isang manpower agency dahil sa totoo lang, gusto naming mabigyan ng oportunidad ang lahat ng mahuhusay, masisipag, at mga marubdob na Pilipino. We want to give back and create a culture of gratitude.
Ngayon, hindi na kami nag-iisa sa pagtupad sa mga pangarap na biruan lang namin noong 2019.
Ang kwento ng ALPAS ay kwento ng lahat ng sumubok na kumawala sa takot, lungkot, o kawalang-bahala, at nagdesisyong magsimula muli.
Ikaw, anong kwentong ALPAS mo?